Forehead kisses.
Bakit ba halos lahat ng babae gusto lagi silang hinahalikan sa noo? Siguro tanong ‘to ng mga kalalakihan na nakakabasa ng mga post ng babae na gusto nila ng forehead kisses. Siguro dahil mas feel namin na secured kami kapag sa noo niyo kami hinahalikan. Respeto, isa din sa mga nararamdaman namin kapag sa noo. Kasi parang alam niyo yun? Mas feel namin ang respeto niyo. Kasi kapag sa lips, parang ang isip namin, okay, ito lang pala habol niyo samin. Pero hindi naman lahat ng babae ganon mag-isip. OA lang ako. Hahahahaha.
Pero seryoso, mas maganda ang forehead kisses.
Masakit maging panakip butas ng taong mahal mo. Masakit kasi ang sa isip niya, ikaw yung babaeng mahal niya pero hindi naman pala. Ginagawa niya ang lahat ng sweet na bagay sayo kasi ang iniisip niya ikaw, siya. Sobrang sakit. Mas masakit pa sa pagsagasa sayo ng 10-wheeler truck.
“Break na kami ng Boyfriend ko. Ouch!”
Twitter? Hanggang kailan mo ba isisiwalat sa mundo ang lahat ng nangyayari sa buhay mo, halos lahat. Kailangan bang i-tweet kada minuto o segundo lahat ng gusto mong sabihin? Kaya pati love story niyo ng boyfriend mo na natuldukan na, halos nakumpleto mo na sa twitter account mo. Sa twitter na follow ka ng follow sa mga artista at nagbabaka sakaling ifollow back ka at ire-tweet ang mga pinagpopost mong ambisyosang palaka ka. Sa facebook naman, add ka ng add ng mga hindi mo kakilala at magpapalike ka sa kanila ng picture ng kaibigan mong kasali sa isang contest na paramihan ng like na dinaig pa ang text votes sa mga contest sa telebisyon ng bonggang bongga.

Alam mo ba kaibigan, ginawa ang social networking sites hindi para ipagmalaki mo sa buong mundo kung anong kinakain mo ngayon, “Ang sarap ng ulam, tuyo with kamatis. Yummy!” kung nasaan ka man, “I’m here at Quiapo with the snatchers.” o kung anong nararamdaman mo, “Ang sakit ng lalamunan ko, My gawd!” At kulang nalang eh pati ang paghinga kada segundo, sasabihin pa.
Kung ako rin naman, aaminin ko na gumagamit ako ng twitter, minsan ganyan din ako. Pero hindi lahat ng dapat kong gawin, kailangan ko pang i-post dun.
Diary ‘te? Oo ginawa nga’‘to para ipahayag ang saloobin, pero konting limitasyon naman kaibigan. Hindi lahat interesado sayo. At kung mamalasin ka pa, baka ito pa ang maging dahilan ng ikapapahamak mo. Sa kakapost mo ng walang kwentang bagay, baka may naiinis na sayo at balak ka ng patayin. Pero sige lang, malay mo kapag nabalitang napatay ka, mag-trend ka sa twitter at facebook. Ila-like nalang namin at irere-tweet pa.
Sa panahon natin ngayon, usong-uso ang panganib. Maging responsable sana tayo sa mga kilos at pananalita na binibitawan natin sa mundo ng internet. Payong kaibigan lang, hindi naman masamang makipagkaibigan kung kani-kanino. Pero dapat alamin mo rin kung sino ang dapat pagkatiwalaan. Wag magpaloko o maging bulag sa Profile Picture niyang naka Japan-japan, hindi mo alam eh poser pala yan.
Hindi mahalaga kung marami kang friends sa Facebook o maraming kang followers sa Twitter, maging sa Tumblr. Ang tunay na mahalaga, eh maipakita mo sa maraming tao na isa kang magandang ehemplo bilang isang indibidwal.

Teka bago magkalimutan kaibigan, follow niyo ko sa twitter @marieangelatiu. Hahahahahaha. Thanks! ;)
Smile.
Eto ang sandata ng isang tao sa lahat ng problema. Sabi nga nila, smile is the best medicine sa lahat ng problema mo. Ang sarap kaya sa feeling na nakikita mo ang isang tao kahit na may problema naka smile pa din. Parang na checheer up kang maging kagaya ng taong ‘yun.Parang alam mo yun ang gaan sa pakiramdam na nakikita mo ang isang taong lage naka smile. Kaya sana wag na kayong mag moment at mag drama. Hindi bagay!
“Until death do us part.”
Masarap magkaroon ng ganitong sitwasyon. Hindi ang mamatay, kundi ang magmahal ng taong alam mong mamahalin ka hanggang sa kabilang buhay. Yung alam mong ikaw lang ang nilalaman ng puso niya. Mula pa noong niligawan ka niya, naghintay sa matamis mong “Oo”, maging kayo, ikinasal sa simbahan, magkaroon ng magandang buhay, at magkaroon ng mga anak na sabay niyong pinangarap. At hanggang sa tumanda at pumuti na ang buhok niyo, kayo parin ang magkasama at walang iwanan.
Magkasabay kayong tumanda. Alam niyo na ang kahinaan ng bawat isa. Sabay kayong nagsalo sa hapag kainan. Nag-away at naglambingan. Nagbigayan ng sariling hinanaing sa isa’t isa. Nagkaintindihan. Nagkasundo sa maraming bagay. At tinanggap ang totoong ugali at pagkatao ng tinatawag nga nating, partner.
Nagkakasakitan man kung minsan, mas madalas parin ang pagkakaunawaan. Sa isang relasyon kasi, hindi pwedeng parehas kayong ma-pride. Kailangan balanse. Kailangan marunong tumanggap ng pagkatalo ang isa, at hindi pinaiiral ang katigasan ng ulo.
Halikan, yakapan, sex. Ang hindi mawawala sa isang relasyon. Ilan ‘to sa mga masarap gawin lalo na kung mahal na mahal mo ang isang tao. Masaya talaga magmahal, lalo na kung pareho niyong pinaglalaban ang nararamdaman niyo para sa isa’t isa. Kahit anong mangyaring hindi maganda, pinagiisipan munang mabuti bago magdesisyon na tapusin na. Kung talagang mahal niyo ang isa’t isa, wag kayong gagawa ng isang desisyon kapag nagkakasakitan kayo. Isipin niyo munang mabuti kung kakayanin niyo ba kung wala ang isa’t isa? At wag kang gagawa ng isang pangako kung ang dahilan ay masaya ka lang. Kasi hindi mo alam kung hanggang kailan mo ba ito magagawa o matutupad. Baka mamaya, sa isang iglap eh bigla mong mapako ang pangakong ‘yan. Hindi lang ikaw ang masasaktan, kundi kayong dalawa.
Ang dalawang taong tunay na nagmamahalan, walang iniindang pagsubok. Kayang magpatawad, kayang masaktan, at kayang isuko at ibigay ang lahat alang-alang lang sa kaligayahan ng taong minamahal. Kahit na ilang pagsubok ang pinagdaanan, sabay paring pinagpapatuloy ang magandang naumpisahan. At wala ng balak pang tuldukan.
Sana nga, ganon lang kadali para kalimutan ka..
Jusko, akala mo ganon lang kadali? Isipin ko lang ung times na kasama kita, katext kita at tuwing gigising at bago ka matulog maririnig ko yung “I love you”, sige ikaw kaya yung makafeel ng ganito? Madali? Hindi ganon kadali mag move on sa isang tao, kahit na sabihin mong ayaw mo na talaga. May mga ways na bigla mo nalang syang maaalala kahit ayaw mo hindi mo macontrol at bigla ka nalang malulungkot. Oh diba? Tapos maaalala mong nasasaktan ka na pala.
Hindi man ako marunong magmaneho, marunong naman akong maglakad kagaya mo.
Nasubukan mo na bang subukan ang isang bagay na kinatatakutan mo? O yung sa tingin mo ay hindi mo kaya? Sa totoo lang, may mga bagay na kinatatakutan akong nasubukan ko ng kaharapin. Nagtagumpay man, pero hindi lahat nakayanan. Isang halimbawa na yung katotohanan na hindi ko kayang magbike at takot ako. Bata palang ako nung sinubukan ko ‘to. Pero hanggang ngayon, hindi parin ako matuto. Siguro nga, nauuna yung pagiging negatibo at takot ko. Negatibo na hindi ko siguro magagawang makapagbike, hindi ko kaya ‘to. At yung takot na baka masemplang ako at masugatan. Mali man yung mga iniisip ko na yun, naisip ko parin na hindi naman masamang kaharapin ang mga bagay na kinatatakutan gawin pero wag nating ipilit kung hindi talaga kakayanin, Para sa’kin.
Siguro naiisip at naitatanong mo ngayon sa isip mo kung bakit ko nasabi yun? Parang mali. At kabaliktaran dapat ang sabihin ko at hindi dapat yun. Naisip ko kasi na kung hindi man ako marunong magmaneho, marunong naman akong maglakad. Ibig sabihin, may mga bagay sa mundo na kahit gusto mong mapasayo, kung hindi para sa’yo, mas mabuti pang wag mo nalang ipilit. Kasi lahat naman tayo eh nilikha ng Diyos ng may sariling kakayanan. May mga bagay na hindi natin nabibigyan ng importansya. Kumbaga, dinededma lang natin at tumitingin lang tayo sa mas malaking bagay. Nakakalimutan nating magpasalamat sa simpleng bagay na mayroon tayo. Simpleng bagay man, pero malaki ang magandang naidudulot sa buhay natin. Kagaya nalang ng sinasabi ko sa title. Anong problema kung hindi ka marunong magdrive? Hindi naman tayo nabuhay dito sa mundo at sinabi ng Diyos na required tayong matuto magmaneho. Mabubuhay ka parin naman kahit hindi ka marunong diba? Makakahinga ka parin? At may paa ka pa. Mga paa na magbibigay sa’yo ng ibang pag-asa. Mga paa na magdadala sa’yo sa mas magandang bagay na higit pa sa gusto mong makuha.
Hayskul Layp.
High school daw ang pinakamasayang parte ng buhay ng tao. Sa napakadaming dahilan, maari natin sigurong sabihing ang mga yun sa katwiran na noong high school, naranasan nating masulyapan ang mundo ng pagiging matanda habang nakatali sa lubid ng pagkabata. Sa simpleng pananaw, noong high school kasi tayo nagsisimulang magkaroon unti-unti ng pag-unawa sa totoong mundong kakabilangan natin, habang unti-unti din nating binibitawan ang mga hibla na nagtatali sa atin sa pagiging bata. Sabihin na nating, nun high school tayo, naranasan natin parehong maging bata at maging matanda, at sa aspeto ng buhay na yun ng mabilis na pagbabago, eh madami tayong nakasabay dito.
Madami akong naipong alaala sa high school, marahil, sasang-ayon kayo na marami dito ang masarap balikan, pero meron ding masarap na lang maalala dahil tiyak na amag lang ang idudulot niya sa’yo. Ano-ano nga ba ang naaalala mo sa high school life mo?
- Dito ka unang nabasted. Aminin man natin o hindi, dito tayo unang dinalaw ng tibok ng puso. Dito siya unang nagparamdam sayo. Na bukod kay utak, may isa pa palang malakas ang enerhiya para magdikta sa buhay mo. Sa hayskul dun ka nagkaroon ng crush. Tuksuhan na mauuwi sa pag-dedeny. Pero kahit anong pilit mong pagtago, nagiging ebidensya parin ang mga kilos at galaw mo. Masarap sanang maalala lahat ng pagkakataon na panakaw mo siyang sinusulyapan, pero masakit kasi pag naaalala mo na kapag tinutukso na kayo, ang naririnig mong galing sa kanya ay mga salitang: “Badtrip naman, wag yun!”, “Yuck, wala na bang iba?”, “Ulol, wag na lang oy…”. Rejection, yan ang isa sa pinakamasakit na sampal ng buhay, at sa high school, malamang, dito mo siya unang matitikman.
- Uso na si pimples. Dito na nagumpisang lumitaw ang paborito mong kausap kapag nakaharap ka na sa salamin. Minsan mamimili pa sila ng paborito nilang pwesto na talaga namang labag sa kalooban mo, minsan tutubo sila sa dulo ng ilong mo, mapula, malaki at tila naghuhumiyaw sa buong mundo “HOY! TAGHIYAWAT AKO! ANG LAKI KO NOH?”. Kung pwede lang wag ka ng pumasok gagawin mo, oh minsan tatakpan mo to ng panyo buong araw, na lalo namang makakatawag ng atensyon sa mga tao.
- Lagi kang ginagawang escort o muse, kahit na sulat naman talaga ang maganda o gwapo sa’yo. Kung bakit naging trend na yata ngayon, na kapag nai-nominate ka na muse o escort eh kailangan mong mag-isip kung kaaway ba o kaibigan mo ang gumawa nun. Pinakamadalas kasing gamiting pang-asar ang pagpapasok ng pangalan mo bilang escort at muse. Ewan kung dahil na siguro sa tradisyon, pero pag nagkakaroon ng eleksyon kailangan talaga may muse at escort, minsan iniisip ko, ano ba kasi ang gagawin nila, buti pa kasi ang ibang positions, may specific job description,
- 1. President – maging feeling teacher at boss pag walang teacher. Umepal pag kailangan ng papapel at maging alay na sakripisyo kapag may nagwawalang teacher na handang lumulon buong-buo ng estudyante.
- 2. Vice President – maging feeling teacher at boss pag walang teacher at walang president. Basically reserbang presidente siya.
- 3. Secretary – kailangan maganda ang sulat, walang paki sa wrong spelling at grammar, basta kailangan maganda sulat. Tapos.
- 4. Treasurer – kailangan mayaman, kailangan kasi madaming pang-abono at madaming pamalit pag nawalan ng pera.
- 5. Auditor – kailangan magaling sa Math. Yun lagi sinasabi, sa bansa yata natin kapag marunong ka ng plus, minus, taymis, at dibay-dibay (divided by) eh magaling ka na sa math. Minsan gusto kong batukan nagsasabi nun, simpleng arithmetic lang naman gagawin ng auditor, at di nila kailangan ng degree sa algebra, trigonometry, statics at advanced calculus.
- 6. PRO – kailangang madaldal. Kasi sila daw taga-kalat ng tsismis kapag nag-away si president at vice sa meeting.
- 7. Sgt. at Arms – madalas magtaka ko kung bakit di buuin ang Sgt at gawing sergeant , ayaw kong magduda, pero malamang di alam spelling. HAHAHA. Sila naman yung mga bully sa school, mga future bouncer ng club. Dapat yung mga mahirap bawalin ang gawing mong tagabawal, ng may pakinabang kagaspangan ng ugali nila.
- 8. Bus. Manager – sila ang mga dakilang tagapamalengke, mula ng maimbento yung position na to, tagapamili ng ingredients sa iluluto o tagabili ng materials sa project ang naging role nila.
- 9. Muse at Escort – eto na, ano nga ba trabaho nila? Ano pa, di magpagwapo at magpaganda. Yun na yun? Ahm, wala na iba? Wala na.. Wala na talaga? Wala na yata.
- Natatae ka. Eto yung mga oras na kapag nalaman ng mga kaibigan mong mapang-asar ang katotohanan, tiyak na manliliit ka at magtatago sa kung saan pwedeng itago ang buong katawan mo at ulo upang hindi ka na makilalang ikaw yan sa sobrang kahihiyan na ibibigay nila sa pamamagitan ng pang-aasar sayo. Yun bang gusto mong sabihin na “KAIBIGAN BA TALAGA KITA?”, kasi sobra sila kung mambuking. Halos dinig na ng buong highschool department!
- Naging teacher’s pet ka. Dati, naiinis ako sa mga favorite ng teacher, yung tinatawag na teacher’s pet. Tingin ko kasi sipsip sila, pero nagbago ang pananaw ko sa pagiging paborito ng teacher ng tumuntong ako ng third year high school, dahil ng taon na yun, tatlo sa teachers ko ang naging paborito ako. Masarap maging paborito, ramdam mo na iba ang tingin sa’yo, ramdam mo na espesyal ka sa kanila, ramdam mo na may mas mahabang pisi ang pasensya nila sa’yo, pero masisi mo ba ang teacher kung magkaroon sila ng paborito? Siguro kung magiging titser ka rin, maiintindihan mo ang nararamdaman nila. Hindi rin talaga maiiwasan na magkaroon ng favorite sa loob ng klase. Sila ang maasahan at responsableng estudyante na pwedeng-pwede mong iwan o bilinan ng trabaho. Sila ang mga estudyante na marangal at matapat na nag-aaral, mga estudyante na hindi inisip na magsamantala sa kabaitan ng guro.
- Isa ka sa tinuturing na school celebrity. Iba’t iba ang paraan kaya napapabilang ang isang estudyante dito. Masarap sa pakiramdam. Pero mas magiging heaven ang hayskul layp mo kung hindi ka napasama sa mga kasikatang ito:
- 1. Pag-vandal sa bagong pinturang pader ng eskwelahan niyo na may nakalagay na “I love you *insertnamehere*”
- 2. Regular visitor sa Guidance at Principal’s office.
- Magiging heaven naman ang hayskul layp mo kung sumikat ka dahil sa :
- 1. Sa taglay mong kagalingan sa pagsasayaw na halos nahiya na ang mga makakapal na mukha mong kaklase na ubod ng yabang pero parehong kaliwa naman ang paa.
- 2. Sa tinataglay mong ginintuang boses.
- 3. Pinakyaw mo ang mga medalyon mula sa best in attendance hanggang sa quiz bee.
- 4. Crush ng bayan at sikat sa daraanang waiting shed paglabas ng eskwelahan.
- 5. At syempre, ulirang estudyante na di matatawaran ang sipag at talino, na kasama sa top 25 sa klase ng 30 students.
- Mayroon kang kaklase na ubod ng ganda at gwapo. Malakas talagang makatawag ng pansin kapag maganda at gwapo ang makikita mo sa eskwelahan. Yun bang makita mo lang, buo na ang araw mo. Minsan pasimpleng sulyap ka pa at minsan sinusundan mo pa. Pero pansinin mo, paglipas ng panahon at makita mo ulit sila, para matatawa ka pa, at masasabing “nakakatawa, nagkacrush ako sa kanya dati”. Habang tumatanda kasi tayo, nagbabago ang pananaw natin sa mamahalin nating tao, kaya kung nasa stage ka man ng high school, wag masyadong seryoso, kahit pa “Pang-crush ng bayan” ang dating nya ngayon, dadating panahon, kukulubot din ang mukha nyan, puputi ang unat na mahabang buhok, makakalbo at magiging mukhang pasas ang makinis na balat. Hindi dapat pisikal ang batayan mo, dahil pag nawala ang itsurang minahal mo, baka pati pagmamahal mo sa tao na yun, mawala na din.
- Dito ka nakakita ng barkadang karugtong na ng bituka at sikmura mo. Kung mayroon man sigurong makakapag pangiti sa akin kapag naaaalala ko ang hayskul layp ko, ito na siguro ang mga sira ulo kong kaibigan na sobrang layo na ng napagsamahan namin. Sila yung mga taong nakasabay ko sa paglalakbay sa di matatawarang hayskul layp na kay hirap kalimutan. Mga nagpahalaga sakin at pinahalagahan ko rin. Mga nagsilbing kuya, ate, kapatid at kabarkada. Marahil hindi ko na mabibilang ang mga tawanan at kalokohan na nagawa ko kasama sila dahil sa sobrang dami nito o ang bilang ng kababawan na mga rason ng pinag-awayan. Ilang street foods ang pinagsaluhan, ilang softdrinks at chichirya ang pinaghatian, ilang papel ang hiningi at binigay ko sa kanila. Sa huli, masarap nalang alalahanin at ikulong sa isang baol ang mga ala-ala at wala ng magagawa kundi ang balik-balikan nalang at huwag kalimutan ang pinagsamahan ng masasabi mong tunay na pagkakaibigan.
Kapag dumadalaw ako sa dati kong eskwelahan, kasama na ang mga barkada kong puro may kalokohan, hindi namin maiwasan ang magkausap-usap patungkol sa mga karanasang naaalala namin noong kami’y hayskul palang. Sa lugar na yun, dun namin naranasan tumawa, gumawa ng kalokohan, maging mabuting bata, magseryoso, at masaktan. Nakakapanghinayang na hindi ko nagawa ang lahat ng bagay na nais kong gawin noon. Pero kahit papano, may ilang pangyayari parin ang hindi matatawaran. Hindi kailanman makakalimutan at patuloy paring dirikit sa isipan ko habang ako’y tumatanda na.